Kaayon ba ng Siyensiya ang Bibliya?

Mga planeta, bituin, snowflake, at mga dahon—mga likas na bagay na pinag-aaralan ng mga siyentipiko

Ang sagot ng Bibliya

Oo. Bagaman ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa siyensiya, tumpak naman ang sinasabi nito tungkol sa siyensiya. Pag-isipan ang ilang halimbawa na nagpapakitang kaayon ng siyensiya ang Bibliya, pati ang mga detalye rito na tumpak sa siyensiya kumpara sa pinaniniwalaan ng maraming tao noong isinusulat ang Bibliya.

  • Ang uniberso ay may pasimula. (Genesis 1:1) Pero ayon sa maraming sinaunang alamat, ang uniberso ay hindi nilalang kundi inayos lang mula sa magulong pag-iral nito. Naniniwala naman ang mga Babilonyo na ang uniberso ay ginawa ng mga diyos na galing sa dalawang karagatan. Sinasabi ng iba pang alamat na ang uniberso ay mula sa isang dambuhalang itlog.
  • Bawat araw, ang uniberso ay kontrolado ng lohikal na mga batas ng kalikasan, hindi ng kung ano lang na maisipan ng mga bathala. (Job 38:33; Jeremias 33:25) Itinuturo ng mga alamat mula sa buong daigdig na ang mga tao ay walang kalaban-laban sa mga sumpungin at kung minsa’y walang-awang mga diyos.
  • Ang lupa ay nakabitin sa wala. (Job 26:7) Naniniwala ang maraming tao noon na ang mundo ay lapád at pasan ng isang higante o nakapatong sa isang hayop, gaya ng bupalo o pagong.
  • Ang tubig sa mga ilog at bukal ay mula sa karagatan at iba pang pinagmumulan, na sinipsip ng init ng araw at bumabalik sa lupa bilang ulan, niyebe, o graniso. (Job 36:27, 28; Eclesiastes 1:7; Isaias 55:10; Amos 9:6) Pero ayon sa sinaunang mga Griego, ang tubig sa mga ilog ay galing sa tubig ng karagatan na dumadaloy sa ilalim ng lupa, at pinaniwalaan ito hanggang noong ika-18 siglo.
  • Ang mga bundok ay tumataas at bumababa, at dating nasa ilalim ng karagatan. (Awit 104:6, 8) Sinasabi naman ng ilang alamat na ganito na ang anyo ng mga bundok mula pa nang lalangin ito ng mga diyos.
  • Ang kalinisan ay mahalaga sa kalusugan. Kabilang sa Kautusang ibinigay sa bansang Israel ang mga tuntunin sa paghuhugas pagkatapos humawak sa bangkay, pagkukuwarentenas sa mga may nakahahawang sakit, at pagbabaon sa hukay ng dumi ng tao. (Levitico 11:28; 13:1-5; Deuteronomio 23:13) Pero sa mga Ehipsiyo noon, inihahalo nila ang dumi ng tao sa gamot na ipinapahid sa sugat.

May sinasabi ba ang Bibliya na mali sa pananaw ng mga siyentipiko?

Wala, kung susuriin nating mabuti ang Bibliya. Narito ang ilang karaniwang maling akala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa siyensiya:

Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang uniberso ay nilalang sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras.

Ang totoo: Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan sinimulang lalangin ng Diyos ang uniberso. (Genesis 1:1) Ang mga araw ng paglalang na inilalarawan sa kabanata 1 ng Genesis ay mga yugto ng panahon na walang espesipikong haba. Sa katunayan, ang buong yugto ng panahon ng paglalang sa langit at lupa ay tinatawag ding isang “araw.”—Genesis 2:4.

Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na naunang nilalang ang pananim kaysa sa araw na kailangan sa proseso ng photosynthesis.—Genesis 1:11, 16.

Ang totoo: Ipinakikita ng Bibliya na ang araw, isa sa mga bituin sa “langit,” ay nilalang bago ang pananim. (Genesis 1:1) Noong unang “araw,” o unang yugto ng panahon, ng paglalang, ang liwanag mula sa araw ay nakarating na sa ibabaw ng lupa. Pero nakatagos lang ito sa atmospera noong ikatlong “araw” ng paglalang, at sapat na ito para sa proseso ng photosynthesis. (Genesis 1:3-5, 12, 13) Nang dakong huli lang malinaw na nakita mula sa ibabaw ng lupa ang araw.—Genesis 1:16.

Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang araw ang umiikot sa palibot ng lupa.

Ang totoo: Sinasabi ng Eclesiastes 1:5: “Ang araw rin ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at dumarating itong humihingal sa dakong sinisikatan nito.” Pero inilalarawan lamang nito ang kilos ng araw kung pagmamasdan mula sa lupa. Kahit sa ngayon, maaaring gamitin ng tao ang mga salitang “pagsikat ng araw” at “paglubog ng araw,” pero alam niya na ang lupa ang umiikot sa araw.

Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang lupa ay lapad.

Ang totoo: Ginagamit ng Bibliya ang pariralang “pinakamalayong bahagi ng lupa,” pero hindi ito nangangahulugan na ang lupa ay lapad o may dulo. (Gawa 1:8) Ang pananalita ring “apat na dulo ng lupa” ay makasagisag na pananalita na tumutukoy sa buong lupa, gaya ng apat na direksiyon ng kompas.—Isaias 11:12; Lucas 13:29.

Maling akala: Sinasabi raw ng Bibliya na ang sirkumperensiya ng isang bilog ay tatlong ulit ng diyametro nito, ngunit ang tamang sukat ay pi (π), o mga 3.1416.

Ang totoo: Ang mga sukat ng “binubong dagat” na nasa 1 Hari 7:23 at 2 Cronica 4:2 ay nagpapahiwatig na ang diyametro nito ay sampung siko at na “nangailangan ng isang pising tatlumpung siko upang mapaikutan ito sa buong palibot.” Maaaring ang mga sukat na ito ang pinakamalapit na buong bilang (round number). Posible rin na ang sirkumperensiya ay sinukat paikot sa pinakalabi, samantalang ang diyametro naman ay sinukat nang pahalang sa labas ng lalagyan.

Kalkulasyon sa matematika

Lipas Na o Mas Nauna Pa Ito?

SIYENSIYA

ANG BIBLIYA AY HINDI ISANG AKLAT SA SIYENSIYA, PERO ANG NILALAMAN NITO AY NAUNA PA SA NATUKLASAN NG TAO SA SIYENSIYA. TINGNAN ANG ILANG HALIMBAWA.

May pasimula ba ang uniberso?

Ang sagot noon ng mga kilalang siyentipiko ay wala. Pero ngayon, tanggap na nilang may pasimula ang uniberso. Matagal na itong sinasabi ng Bibliya.—Genesis 1:1.

Ano ang hugis ng lupa?

Noong sinaunang panahon, iniisip ng marami na lapad ang lupa. Pero noong ikalimang siglo B.C.E., ipinahiwatig ng mga siyentipikong Griego na ito ay bilog. Pero matagal na panahon pa bago iyan—noong ikawalong siglo B.C.E.—may binanggit na ang manunulat ng Bibliya na si Isaias tungkol sa “bilog ng lupa.”—Isaias 40:22.

Masisira ba ang langit?

Itinuro ng siyentipikong Griego na si Aristotle, noong ikaapat na siglo B.C.E., na ang lupa lang ang masisira, pero ang mabituing kalangitan ay hindi kailanman magbabago o masisira. Ang ideyang iyan ay pinaniwalaan sa loob ng maraming siglo. Pero noong ika-19 na siglo, bumuo ang mga siyentipiko ng isang konsepto na nagpapahiwatig na ang lahat ng bagay, sa langit man o sa lupa, ay masisira. Tinukoy ni Lord Kelvin, isa sa mga siyentipikong nagpasulong ng konseptong ito, ang sinabi ng Bibliya tungkol sa langit at lupa: “Tulad ng isang kasuutan ay maluluma silang lahat.” (Awit 102:25, 26) Gaya ng itinuturo ng Bibliya, naniniwala si Kelvin na kayang pigilan ng Diyos ang ganitong pagkasira alang-alang sa Kaniyang mga nilalang.—Eclesiastes 1:4.

Ano ang humahawak sa mga planeta gaya ng ating lupa?

Itinuro ni Aristotle na ang lahat ng bagay sa kalangitan ay nakakabit sa mga tulad-kristal na sphere, at ang lupa ang pinakasentro. Noong ika-18 siglo C.E., tinatanggap ng mga siyentipiko ang ideya na ang mga bituin at planeta ay posibleng nakabitin sa wala. Pero noong ika-15 siglo B.C.E., mababasa na sa aklat ng Job na “ibinibitin [ng Maylalang] ang lupa sa wala.”—Job 26:7.

 MEDISINA

ANG BIBLIYA AY HINDI ISANG AKLAT SA MEDISINA, PERO NAGLALAMAN ITO NG ILANG PRINSIPYONG NAGPAPAKITA NG MASULONG NA KAALAMAN SA KALUSUGAN.

Pagbubukod sa maysakit.

Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat ibukod ang taong may ketong. Sinunod lang ng mga doktor ang prinsipyong ito nang magkaroon ng mga salot, mga 700 taon na ang nakararaan. At napatunayang mabisa pa rin ito hanggang ngayon.—Levitico, kabanata 13 at 14.

Paghuhugas ng kamay matapos humawak ng bangkay.

Hanggang noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, hindi naghuhugas ng kamay ang mga doktor na kadalasan nang humahawak ng bangkay at pagkatapos ay sa mga pasyente. Dahil dito, marami ang namatay. Pero ayon sa Kautusang Mosaiko, ang isa na humawak ng bangkay ay nagiging marumi, kaya dapat siyang maghugas para maging malinis. Ang kaugaliang ito ay tiyak na nakabuti rin sa kalusugan.—Bilang 19:11, 19.

Pagtatapon ng dumi.

Taon-taon, mahigit kalahating milyong bata ang namamatay sa diarrhea, karaniwan nang dahil sa dumi ng tao na hindi naitatapon nang tama. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang dumi ng tao ay dapat ibaon o itapon malayo sa tirahan ng mga tao.—Deuteronomio 23:13.

Tamang panahon para sa pagtutuli.

Iniutos ng Diyos na ang isang batang lalaki ay dapat tuliin sa ikawalong araw matapos siyang maipanganak. (Levitico 12:3) Ang kakayahang mamuo ng dugo sa normal na antas ay nangyayari sa isang bagong silang na sanggol pagkalipas ng isang linggo. Noong panahon ng Bibliya, bago pa sumulong ang medisina, ang paghihintay ng mahigit isang linggo bago ang pagtutuli ay isang proteksiyon.

Ang kaugnayan ng emosyonal at pisikal na kalusugan.

Ayon sa mga doktor at siyentipiko, ang mga emosyong gaya ng pagkakaroon ng pag-asa at pagiging masaya, mapagpasalamat, at mapagpatawad ay nakabubuti sa kalusugan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.”—Kawikaan 17:22.

Planetang Lupa

4. Tumpak Ayon sa Siyensiya

Marami na ang naging pagsulong sa siyensiya sa makabagong panahon. Dahil dito, napalitan ng bago ang mga lumang teoriya. Ang dating tinatanggap bilang katotohanan ay itinuturing na ngayong kuru-kuro. Madalas na kailangang rebisahin ang mga aklat-aralin sa siyensiya.

ANG Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa siyensiya. Subalit pagdating sa mga bagay na may kaugnayan sa siyensiya, mapagkakatiwalaan ang sinasabi nito.

Walang pangmalas na salungat sa siyensiya.

Maraming maling paniniwala ang mga tao noong sinaunang panahon. Iba-iba ang palagay nila tungkol sa lupa. Naniniwala ang ilan na ito ay lapad, sinasabi naman ng iba na sinusuportahan ito ng literal na mga bagay. Noong hindi pa natutuklasan ng siyensiya ang hinggil sa pagkalat ng sakit at kung paano maiiwasan ito, ang mga manggagamot ay gumagamit ng ilang paraang hindi mabisa, at sa ilang kaso, ay nakamamatay pa nga. Ngunit hindi kailanman bumanggit ang Bibliya sa mahigit na 1,100 kabanata nito ng anumang bagay na salungat sa siyensiya o nagrekomenda ng anumang kaugaliang nakapipinsala.

Mga ulat na tumpak ayon sa siyensiya.

Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, sinabi ng Bibliya na ang lupa ay nakabitin “sa wala.” (Job 26:7) Noong ikawalong siglo B.C.E., maliwanag na binanggit ni Isaias ang “bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Isang bilog na lupa na nakabitin sa kalawakan nang walang anumang bagay na sumusuporta rito​—hindi ba kasuwato iyan ng makabagong siyensiya?

Binanggit ng Kautusang Mosaiko (masusumpungan sa unang limang aklat ng Bibliya), na isinulat noong mga 1500 B.C.E., ang tungkol sa pagkukuwarentenas sa maysakit at kung ano ang gagawin sa mga bangkay at sa dumi.​—Levitico 13:1-5; Bilang 19:1-13; Deuteronomio 23:13, 14.

Dahil sa paggamit ng mga teleskopyong malayo ang natatanaw, nahinuha ng mga siyentipiko na ang uniberso ay nagkaroon ng biglaang pasimula. Hindi nagustuhan ng lahat ng siyentipiko ang implikasyon ng paliwanag na ito. Ganito ang sinabi ng isang propesor: “Kung ang uniberso ay may pasimula, waring nangangailangan ito ng sanhi; sapagkat paano magkakaroon ng gayong epekto kung walang sanhi?” Gayunman, bago pa naimbento ang mga teleskopyo, maliwanag na sinasabi ng unang talata sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1.

Malaon nang tumpak na sinabi ng Bibliya na ang lupa ay bilog at nakabitin “sa wala”

Bagaman isa itong sinaunang aklat tungkol sa maraming paksa, walang binabanggit ang Bibliya na salungat sa siyensiya. Hindi ba nararapat lamang na isaalang-alang natin ang gayong aklat? *

Mga pagsulong sa siyensiya gaya ng kotse, GPS, satellite, eroplano, brain scan

Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

Ayon sa isang diksyunaryo, ang siyensiya ay “sistematikong pag-aaral ng katangian at paggalaw ng materyal at pisikal na uniberso, batay sa obserbasyon, eksperimento, at pagsukat.” Mahirap na trabaho ito at kadalasan nang nakadidismaya. Walang ginawa ang mga siyentipiko kundi mag-eksperimento at magmasid sa loob ng ilang linggo, buwan, o mga taon pa nga. Kung minsan wala silang nakikitang solusyon, pero kadalasan ay may naibibigay silang pakinabang sa mga tao. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Isang kompanya sa Europa ang nakagawa ng isang kagamitan mula sa matibay na plastik at makabagong mga pansala para hindi magkasakit ang tao dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig. Ginagamit ang mga ito kapag may likas na sakuna, gaya ng lindol sa Haiti noong 2010.

May mga network ng satellite sa kalawakan na tinatawag na Global Positioning System (GPS). Bagaman dinisenyo ito para gamitin sa militar, nakatutulong din ang GPS sa mga motorista, piloto, nabigante ng barko, at maging sa mga mangangaso at hiker. Dahil sa mga siyentipikong nag-imbento ng GPS, mas madali tayong makapunta sa gusto nating puntahan.

Gumagamit ka ba ng cellphone, computer, o Internet? Napansin mo bang mas bumuti ang iyong kalusugan dahil sa makabagong medisina? Sumasakay ka ba ng eroplano? Kung oo, nakikinabang ka sa mga bagay na naitulong ng siyensiya sa tao. Apektado ng siyensiya ang buhay mo sa maraming positibong paraan.

MGA LIMITASYON NG MODERNONG SIYENSIYA

Para lumawak pa ang kanilang kaalaman, masusing sinasaliksik ng mga siyentipiko ngayon ang kalikasan. Sinusuring mabuti ng mga nuclear physicist ang kayarian at pagkilos ng atomo, habang tinutunton naman pabalik ng mga astrophysicist ang bilyon-bilyong taon para maunawaan ang pinagmulan ng uniberso. Habang lumalalim ang kanilang pagsasaliksik, kahit pa nga sa mga bagay na di-nakikita at mahirap unawain, iniisip ng ilang siyentipiko na kung mayroon ngang Diyos gaya ng sinasabi ng Bibliya, masusumpungan nila siya.

Higit pa ang ginagawa ng ilang kilaláng siyentipiko at pilosopo. Sinusuportahan nila ang ideya na walang Diyos gaya ng sinabi ng awtor ng siyensiya na si Amir D. Aczel. Halimbawa, sinabi ng isang sikát na physicist na “ang kawalan ng ebidensiya ng anumang Diyos na gumaganap ng mahalagang papel sa uniberso ay maliwanag na nagpapatunay na walang diyos.” Tinutukoy naman ng iba ang mga ginawa ng Diyos ng Bibliya bilang “madyik” at “salamangka.” *

Pero ang tanong: Sapat na ba ang nalaman ng  siyensiya tungkol sa kalikasan para makagawa ng matibay na konklusyon? Hindi. Ang siyensiya ay nakagawa ng malalaking pagsulong, pero kinikilala ng maraming siyentipiko na marami pang bagay na di-alam at marahil ay imposibleng malaman pa. “Alam natin na may mga bagay na hinding-hindi natin malalaman,” ang sabi ng physicist na si Steven Weinberg na tumanggap ng Nobel Prize tungkol sa pag-unawa sa kalikasan. Isinulat ni Propesor Martin Rees, Astronomer Royal ng Great Britain: “May mga bagay na hindi kailanman mauunawaan ng tao.” Ang totoo, marami pa sa kalikasan, mula sa napakaliit na selula hanggang sa napakalawak na uniberso, ang hindi pa rin maintindihan ng modernong siyensiya. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

  • Hindi lubusang nauunawaan ng mga biyologo ang mga prosesong nagaganap sa loob ng buháy na mga selula. Palaisipan pa rin sa siyensiya kung paanong ang mga selula ay gumagamit ng enerhiya, gumagawa ng protina, at kung paano ito nahahati.
  • Apektado tayo ng grabidad araw-araw. Pero misteryo pa rin ito sa mga physicist. Hindi nila lubusang nauunawaan kung paano ka hinihila ng grabidad kapag tumalon ka o kung paano nito pinananatili ang buwan na umiikot sa palibot ng lupa.
  • Tinataya ng mga cosmologist na mga 95 porsiyento ng uniberso ay di-nakikita at di-nahihiwatigan ng mga instrumentong ginagamit sa siyensiya. Hinati nila ito sa dalawang kategorya, ang dark matter at ang dark energy. Palaisipan pa rin ito.

May iba pang di-alam na mga bagay na nakalilito sa mga siyentipiko. Bakit ito mahalaga? Sinabi ng isang manunulat ng popular science na mas maraming bagay tayong di-nalalaman kaysa sa mga bagay na nalalaman natin. Para sa kaniya, dapat tayong makadama ng pagkamangha at hangaring matuto pa sa halip na maging makitid ang isip.

Kaya kung iniisip mong papalitan na ba ng siyensiya ang Bibliya at aalisin nito ang paniniwala sa Diyos, pag-isipan ito: Kung limitadong kaalaman lang sa kalikasan ang nakukuha ng matatalinong siyentipiko gamit ang kanilang pinakamahusay na mga instrumento, makatuwiran bang tanggihan agad ang mga bagay na hindi kayang alamin ng siyensiya? Sa pagtatapos ng isang mahabang artikulo tungkol sa kasaysayan at pag-unlad ng astronomiya, sinabi ng Encyclopædia Britannica: “Matapos ang halos 4,000 taon ng astronomiya, nananatili pa ring mahiwaga ang uniberso gaya ng tingin dito ng mga Babilonyo.”

Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng bawat tao na magpasiya sa bagay na ito. Sinisikap naming sundin ang sinasabi ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Sa diwang ito, inaanyayahan namin kayong suriin kung paanong magkasuwato ang siyensiya at ang Bibliya.

 Ang Bibliya at ang Mapananaligang mga Katotohanan sa Siyensiya

Ang Bibliya ay hindi nag-aangking isang aklat-aralin sa siyensiya. Pero tumpak ang sinabi ng mga manunulat nito tungkol sa mga bagay na pakikinabangan ng mga siyentipiko sa ngayon. Narito ang ilang halimbawa.

  • Edad ng lupa at ng unibersoTinataya ng mga siyentipiko na ang lupa ay mga 4 na bilyong taon nang umiiral at na ang uniberso ay mga 13 hanggang 14 na bilyong taon. Hindi nagbibigay ang Bibliya ng petsa kung kailan nilalang ang uniberso. Hindi rin nito binabanggit na ang edad ng lupa ay ilang libong taon lang. Sinasabi ng unang talata sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Mula sa pananalitang iyan, puwedeng alamin ng mga siyentipiko ang edad ng lupa at ng uniberso ayon sa tumpak na mga prinsipyo sa siyensiya.
  • Paghahanda sa lupa para tirhan ng taoGinamit ng Genesis kabanata 1 ang salitang “araw” upang ipakita ang mga yugto sa paghahanda sa lupa para sa iba’t ibang anyo ng buhay. Sa huling yugto nito, inilarawan ang pag-iral ng tao. Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa haba ng anim na “araw” ng paglalang. Sa halip, nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga siyentipiko ngayon na pag-aralan ang mga ito at magtakda ng tumpak na haba ng panahon sa mga ito. Alam natin na ang mga “araw” ng paglalang ay mas mahaba kaysa sa mga araw na may tig-24 na oras.
  • Nakabitin sa wala ang lupaInilalarawan ng Bibliya ang lupa na nakabitin “sa wala.” (Job 26:7) Hindi nito binabanggit na ang ating planeta ay pasan ng isang higante o nasa likod ng mga elepante na nakatayo sa isang pagong, gaya ng sinasabi ng ilang popular na alamat noong sinaunang panahon. Sa halip, hinayaan ng Bibliya na matuklasan ito ng siyensiya. Nang maglaon, inilarawan nina Nicolaus Copernicus at Johannes Kepler kung paanong ang mga planeta ay umiikot sa araw dahil sa isang di-nakikitang puwersa. Sa kalaunan, ipinakita ni Isaac Newton kung paano pinakikilos ng grabitasyon ang lahat ng bagay sa kalawakan.
  • Mga tagubilin tungkol sa kalinisan at pag-iwas sa sakitSa aklat ng Levitico, may mga tagubilin sa mga Israelita kung paano iiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit, pati na ang pagkukuwarentenas. Tungkol sa sanitasyon, ang Deuteronomio 23:12, 13 ay nag-uutos na dapat nilang tabunan ng lupa ang kanilang dumi kapag palilikod sila sa isang bukod na lugar sa labas ng kampamento. Nito lang nakalipas na 200 taon nakita ng mga siyentipiko at doktor ang pangangailangang magtakda ng gayong mga pamantayan.

Ang mga impormasyong ito sa Bibliya ay naisulat mga dantaon na ang nakalipas. Paano nalaman ng mga manunulat ng Bibliya ang gayong tumpak na impormasyon samantalang kahit ang pinakamarurunong na tao noong panahon nila ay hindi nakaaalam nito? Sinasagot iyan ng Awtor ng Bibliya: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.”—Isaias 55:9.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.