Komento sa Pinagmulan ng Buhay

Ang Paniniwala ng Isang Brain Pathologist

MAHIGIT 40 taon nang pinag-aaralan ng propesor na si Rajesh Kalaria ng Newcastle University, England, ang utak ng tao. Dati siyang naniniwala sa ebolusyon, pero nang maglaon, nagbago ang pananaw niya. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang trabaho at paniniwala.

Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa kinagisnan mong relihiyon.

Isinilang si Tatay sa India. Si Nanay naman, kahit taga-India ang mga magulang niya, ay ipinanganak sa Uganda. Pareho silang lumaki sa kaugaliang Hindu. Pangalawa ako sa tatlong magkakapatid. Tumira kami sa Nairobi, Kenya, at marami sa mga tagaroon ay Hindu.

Bakit ka naging interesado sa siyensiya?

Mahilig ako sa mga hayop, at madalas akong mag-hiking at mag-camping kasama ng mga kaibigan ko para makakita ng maiilap na hayop. Noong una, gusto kong maging veterinary surgeon. Pero nang magtapos ako sa kolehiyo sa Nairobi, pumunta ako sa England para mag-aral ng pathology sa University of London. Nang maglaon, nagpakadalubhasa ako sa utak ng tao.

Nakaimpluwensiya ba sa iyong relihiyosong paniniwala ang pinag-aralan mo?

Oo. Habang mas pinag-aaralan ko ang siyensiya, mas nahihirapan akong paniwalaan ang mitolohiya at mga turo ng Hindu, gaya ng pagsamba sa mga hayop at imahen.

Bakit ka naniwala sa ebolusyon?

Noong kabataan pa ako, marami ang naniniwalang nagsimula sa Africa ang ebolusyon, at madalas naming pag-usapan ang ideyang iyan sa paaralan. Pinalilitaw rin ng mga guro namin at mga propesor sa unibersidad na ang lahat ng iginagalang na siyentipiko ay naniniwala sa ebolusyon.

 Bakit mo pinag-isipan ulit ang tungkol sa pinagmulan ng buhay?

Ilang taon na akong nag-aaral ng biology at anatomy nang ikuwento sa akin ng isang kaeskuwela ko ang mga natututuhan niya sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. At napaisip ako nito. Kaya nang magkaroon ng asamblea ang mga Saksi sa paaralan namin sa Nairobi, dumalo ako. Nang maglaon, ipinaliwanag sa akin ng dalawang misyonera ang ilang turo ng Bibliya. Ang paniniwala nila sa Dakilang Disenyador, na sumasagot sa mahahalagang tanong sa buhay, ay malayong-malayo sa mitolohiya. Sa tingin ko, makatuwiran ang turo ng Bibliya.

Nakahadlang ba ang kaalaman mo sa medisina sa paniniwala mo sa paglalang?

Hindi! Habang nag-aaral ako ng anatomy, nakikita ko kung gaano kahusay at kakomplikado ang pagkakadisenyo ng mga nilalang. Hindi nga makatuwirang isipin na ang gayon kahusay na disenyo ay basta lumitaw na lang.

Puwede ka bang magbigay ng halimbawa?

Mula noong 1971, pinag-aaralan ko na ang utak ng tao, at hanggang ngayon, hangang-hanga pa rin ako sa bahaging ito ng ating katawan. Dito nanggagaling ang ating mga iniisip at memorya. Ito rin ang kumokontrol sa ating katawan at sa ating mga pandama, at nagpoproseso ng mga impormasyong nanggagaling sa loob at labas ng ating katawan.

Gumagana ang ating utak dahil sa masalimuot na chemistry nito at sa komplikadong mga network ng neuron, ang pangunahing selula ng utak. Ang utak ng tao ay may bilyon-bilyong neuron, na naghahatid ng impormasyon sa isa’t isa sa pamamagitan ng mahahabang hibla na tinatawag na axon. Mula sa axon, ang isang neuron ay nakagagawa ng libo-libong koneksiyon sa iba pang mga neuron sa pamamagitan ng sanga-sangang mga hibla na tinatawag na dendrite. Bilang resulta, ang koneksiyon sa ating utak ay hindi mabilang! Isa pa, ang napakaraming neuron at dendrite ay hindi magulo, kundi napakaayos. Talagang kahanga-hanga iyan!

Pakipaliwanag naman.

Maayos na nadedebelop ang mga koneksiyon sa utak habang nasa sinapupunan ang sanggol at kahit naipanganak na ito. Ang mga neuron ay nagpo-produce ng mga hibla para matarget ang mga neuron na maaaring ilang sentimetro ang layo—isang napakalaking distansiya pagdating sa cellular level. Heto pa, ang tinatarget ng isang hibla ay hindi lang isang espesipikong selula kundi espesipikong bahagi ng selulang iyon.

Habang napo-produce ang isang bagong hibla mula sa isang neuron, may sinusunod itong kemikal na mga “karatula” gaya ng “hinto,” “deretso,” o “liko,” hanggang sa maabot ng hibla ang target nito. Kapag walang malinaw na mga instruksiyon, maliligaw ang mga hiblang ito. Napakaayos talaga ng buong proseso, na nagmumula sa mga instruksiyon na nasa ating DNA.

Pero hindi pa natin talaga lubusang nauunawaan kung paano nadedebelop at gumagana ang utak, kasama na kung paano nabubuo ang memorya, emosyon, at iniisip. Para sa akin, ang mismong paggana ng utak—hindi pa kasama kung paano ito mahusay na gumagana at nadedebelop—ay nagpapakita na may Isa na di-hamak na mas matalino kaysa sa atin.

Bakit ka naging Saksi ni Jehova?

Ipinakita sa akin ng mga Saksi ang mga ebidensiya na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Halimbawa, hindi aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya, pero laging tama ang sinasabi nito tungkol sa siyensiya. Tumpak din ang mga nilalaman nitong hula. At napapabuti ng Bibliya ang buhay ng mga taong sumusunod sa mga turo nito. Totoo iyan sa akin. Mula nang maging Saksi ni Jehova ako noong 1973, ang Bibliya na ang naging gabay ko sa buhay. Bilang resulta, naging masaya at makabuluhan ang buhay ko.


Ang Paniniwala ng Isang Embryologist

Si Yan-Der Hsuuw na tumitingin sa mikroskopyo

SI Propesor Yan-Der Hsuuw ang direktor ng embryo research sa National Pingtung University of Science and Technology sa Taiwan. Dati siyang naniniwala sa ebolusyon, pero nang maging research scientist siya, nagbago ang pananaw niya. Ipinaliwanag niya sa Gumising! kung bakit.

Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Yan-Der Hsuuw

Ipinanganak ako noong 1966 at lumaki sa Taiwan. Ang relihiyon ng mga magulang ko ay nakasalig sa Taoismo at Budismo. Bagaman sumasamba kami sa aming mga ninuno at nagdarasal sa mga imahen, hindi kami kailanman naniwala sa isang Maylikha.

Bakit ka nag-aral ng biology?

Noong bata ako, mahilig akong mag-alaga ng mga hayop, at gusto kong matutuhan kung paano aalisin ang paghihirap ng mga hayop at ng mga tao. Nag-aral ako ng veterinary medicine, at pagkaraan, nag-aral naman ako ng embryology—isang larangan na inaasahan kong magbibigay-liwanag din sa pinagmulan ng buhay.

Naniniwala ka noon sa ebolusyon. Bakit?

Ang ebolusyon ay itinuturo ng mga propesor sa unibersidad, na sinasabing suportado ito ng mga ebidensiya. At naniwala naman ako sa kanila.

Bakit ka nagsimulang magbasa ng Bibliya?

May dalawang dahilan. Una, inisip kong sa maraming diyos na sinasamba ng mga tao, may isa roon na nakahihigit sa iba. Pero sino kaya? Ikalawa, alam kong ang Bibliya ay isang iginagalang na aklat. Kaya sumali ako sa mga klase sa pag-aaral ng Bibliya.

Nang mag-aral ako sa Catholic University of Leuven sa Belgium noong 1992, pumunta ako sa isang simbahang Katoliko at hiniling ko sa pari na tulungan akong maintindihan ang Bibliya, pero tumanggi siya.

E, paano nasagot ang mga tanong mo?

Pagkaraan ng dalawang taon, habang nasa Belgium pa ako at nagsasaliksik sa siyensiya, nakausap ko si Ruth, isang Saksi ni Jehova na taga-Poland. Nag-aral siya ng Chinese para tulungan ang mga estudyante sa unibersidad na gustong matuto tungkol sa Diyos. Ipinanalangin ko ang gayong tulong, kaya tuwang-tuwa ako nang makausap ko siya.

Ipinakita sa akin ni Ruth na ang Bibliya, bagaman hindi isang aklat sa siyensiya, ay kaayon ng siyensiya. Halimbawa, nanalangin sa Diyos ang manunulat ng Bibliya na si David: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon at wala pa ni isa man sa kanila.” (Awit 139:16) Bagaman gumamit si David ng patulang pananalita, kung tutuusin, tama siya! Bago pa man mabuo ang mga bahagi ng katawan, naroon na ang mga instruksiyon para ma-develop ang mga ito. Dahil sa pagiging tumpak ng Bibliya, nakumbinsi akong ito ay Salita ng Diyos. Nalaman ko rin na iisa lang ang tunay na Diyos, si Jehova. 1

 Ano ang nakakumbinsi sa iyo na Diyos ang lumikha ng buhay?

Ang tunguhin ng pagsasaliksik sa siyensiya ay para alamin ang katotohanan, at hindi para suportahan ang sariling palagay. Nang pag-aralan ko kung paano nade-develop ang embryo, nagbago ang pananaw ko. Napatunayan kong ang buhay ay nilikha. Halimbawa, nagdidisenyo ang mga engineer ng mga assembly line para mapagkabit-kabit ang mga tamang bahagi sa tamang pagkakasunod-sunod at sa tamang paraan. Halos ganiyan din nade-develop ang embryo, pero mas masalimuot ito.

Nagsisimula ang buong proseso mula sa isang pertilisadong selula, ’di ba?

Oo. At ang napakaliit na selulang iyan ay nahahati, na simula ng proseso ng paghahati-hati ng selula. Nadodoble ang bilang ng mga selula tuwing 12 hanggang 24 na oras. Sa pasimula ng prosesong ito, nabubuo ang mga selula na tinatawag na stem cells. 2 Ang stem cells ay nakakapag-produce ng alinman sa mga 200 iba’t ibang uri ng selula na kailangan para makabuo ng sanggol, gaya ng blood cells, bone cells, nerve cells, at iba pa.

Nang pag-aralan ko kung paano nade-develop ang embryo, napatunayan kong ang buhay ay nilikha

Ang mga tamang selula ay kailangang magawa sa tamang pagkakasunod-sunod at sa tamang lugar. Magsasama-sama muna ang mga selula para makabuo ng mga tissue, na magsasama-sama naman para maging mga organ at mga braso’t binti. Sinong engineer ang makasusulat ng mga instruksiyon para sa gayong proseso? Pero napakahusay ng pagkakasulat ng instruksiyon sa DNA para sa pag-develop ng embryo. Dahil sa kahusayan ng lahat ng iyan, kumbinsido ako na ang buhay ay dinisenyo ng Diyos.

Bakit ka naging Saksi ni Jehova?

Dahil sa pag-ibig. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na iyan ay di-nagtatangi. Hindi ito naiimpluwensiyahan ng nasyonalidad, kulay ng balat, o kultura ng isa. Nakita ko at naranasan ang gayong uri ng pag-ibig nang makisama ako sa mga Saksi.

Si Dr. Guillermo Perez habang nag-oopera

Ang Paniniwala ng Isang Consultant Surgeon

Si Dr. Guillermo Perez ay nagretiro kamakailan bilang head ng surgery department ng isang ospital sa South Africa na may 700 kama. Sa loob ng maraming taon, naniniwala siya sa ebolusyon. Pero sa kalaunan, nakumbinsi siya na ang katawan ng tao ay dinisenyo ng Diyos. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala.

Puwede mo bang sabihin sa amin kung bakit ka naniniwala noon sa ebolusyon?

Dr. Guillermo Perez

Kahit pinalaki akong Katoliko, may mga alinlangan pa rin ako tungkol sa Diyos. Halimbawa, hindi ko maatim na maniwala sa isang Diyos na nanununog ng mga tao sa impiyerno. Kaya nang ituro ng mga propesor ko sa unibersidad na ang mga bagay na may buhay ay nag-evolve at hindi nilalang ng Diyos, pinaniwalaan ko iyon, sa pag-aakalang sinusuportahan iyon ng ebidensiya. Siyanga pala, hindi tutol sa ebolusyon ang relihiyon ko pero naniniwala ito na pinatnubayan iyon ng Diyos.

Bakit ka naging interesado sa Bibliya?

Ang asawa kong si Susana ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa tulong ng Bibliya, ipinakita nila sa kaniya na hindi pinahihirapan ng Diyos ang mga tao sa maapoy na impiyerno. *Ipinakita rin nila sa kaniya ang pangako ng Diyos na gawing paraiso ang ating planeta. * Sa wakas, natagpuan din namin ang mga turo na talagang makatuwiran! Noong 1989, sinimulan akong dalawin ni Nick, isang Saksi. Habang pinag-uusapan namin ang tungkol sa katawan ng tao at ang pinagmulan nito, humanga ako sa simpleng pangangatuwiran ng mga salita sa Hebreo 3:4 na nagsasabing “bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”

Nakatulong ba ang pag-aaral mo tungkol sa katawan ng tao para maniwala ka sa paglalang?

Oo. Halimbawa, napakaingat ng pagkakadisenyo sa kakayahan ng katawan natin na i-repair ang sarili nito. Ang paghihilom ng ating sugat ay dumaraan sa apat na nagpapang-abot na yugto. Ipinaaalaala nito sa akin na bilang surgeon, nakikipagtulungan lang ako sa likas na kakayahan ng katawan na i-repair ang sarili nito.

Ano ba ang nangyayari kapag nasusugatan tayo?

Sa loob lang ng ilang segundo, nagsisimula na ang unang yugto ng magkakasunod na proseso para mapahinto ang pagdurugo. Napakasalimuot at napakasistematiko  ng mga prosesong ito. Bukod diyan, ang ating circulatory system na may mga 100,000-kilometrong blood vessel ay tiyak na kinaiinggitan ng mga plumbing engineer dahil sa kakayahan nitong mapigil ang mga tagas at i-repair ang sarili nito.

Ano naman ang nangyayari sa pangalawang yugto ng pagre-repair?

Sa loob ng ilang oras, humihinto ang pagdurugo at nagsisimula ang pamamaga. Kahanga-hanga ang mga nangyayari sa panahong ito. Una, ang mga blood vessel na dati’y kumikipot para mabawasan ang pagdurugo ay lumuluwag para madagdagan ang pagdaloy ng dugo sa sugat. Pagkatapos, unti-unting namamaga ang sugat dahil sa fluid na mayaman sa protina. Mahalaga ang fluid na ito dahil nilalabanan nito ang impeksiyon, pinalalabnaw ang lason, at inaalis ang mga napinsalang tissue. Sa bawat hakbang na ito, kailangan ang produksiyon ng milyon-milyong molekula at selula sa magkakasunod na pangyayari. Siyanga pala, ang ilan sa mga pangyayaring ito ay nagsisilbing stimulant para sa susunod na yugto, at pagkatapos, titigil na ang mga ito.

Paano nagpapatuloy ang paghihilom ng sugat?

Sa loob ng ilang araw, ang ating katawan ay nagsisimulang gumawa ng materyales sa pagre-repair, isang proseso na pasimula ng ikatlong yugto at umaabot sa sukdulan nito pagkaraan ng mga dalawang linggo. Ang mga selula na nagiging fiber sa ibabaw ng sugat ay naiipon doon at patuloy na dumarami. Nagsusulputan din ang maliliit na blood vessel patungo sa sugat. Ang mga ito ang nag-aalis ng dumi at nagsusuplay ng ekstrang sustansiya sa panahon ng demolisyon at pagre-repair. Sa iba pang magkakasunod na pangyayari, nabubuo naman ang mga espesyal na selula na nagiging dahilan para magsara ang sugat.

Matrabaho pala ’yon! Gaano pa katagal bago matapos ang pagre-repair?

Ang huling yugto—ang remodeling—ay puwedeng tumagal nang ilang buwan. Ang mga balíng buto ay tumitibay ulit gaya ng dati, at ang mga fiber na naipon sa ibabaw ng sugat ay napapalitan ng mas matitibay na materyales. Ang lahat ng prosesong ito sa paghihilom ng sugat ay isang napakahusay na halimbawa ng pagtutulungan.

May naaalaala ka bang kaso na talagang nagpahanga sa iyo?

Mayroon. May ginamot akong isang 16-anyos na naaksidente sa kotse. Kritikal ang kondisyon ng dalagitang iyon dahil sa nasugatang spleen at internal bleeding. Noon, inoopera namin ang ganitong kaso para i-repair o tanggalin ang spleen. Pero ngayon, mas umaasa ang mga doktor sa kakayahan ng katawan na i-repair ang sarili nito. Kaya ginamot ko lang ang kaniyang impeksiyon, pagkaubos ng fluid, anemya, at kirot. Pagkalipas ng ilang linggo, nakita sa scan na naghilom na ang kaniyang spleen! Kapag nakikita ko kung paano nire-repair ng katawan ang sarili nito, napapahanga ako. At mas lalo akong nakukumbinsing dinisenyo tayo ng Diyos.

Kapag nakikita ko kung paano nire-repair ng katawan ang sarili nito, napapahanga ako

Bakit mo naman nagustuhan ang mga Saksi ni Jehova?

Palakaibigan kasi sila, at lagi nilang ginagamit ang Bibliya sa pagsagot sa mga tanong ko. Hanga rin ako sa lakas ng loob nilang ibahagi ang kanilang paniniwala at tulungan ang iba na matuto tungkol sa Diyos.

Nakatulong ba sa trabaho mo ang pagiging Saksi ni Jehova?

Oo naman. Una sa lahat, tinulungan ako nito na makayanan ang compassion fatigue, isang uri ng pagkasagad sa emosyon na karaniwang nararamdaman ng mga doktor at nars dahil sa madalas na pakikitungo sa mga taong may sakit o sugatán. At kapag gustong makipag-usap ng mga pasyente, naipapaliwanag ko sa kanila ang pangako ng ating Maylalang na wawakasan niya ang sakit at pagdurusa * at paiiralin ang isang mundo kung saan wala nang magsasabi, “Ako ay may sakit.” *

Ang Paniniwala ng Isang Espesyalista sa Kidney

Si Dr. Céline Granolleras ay isang espesyalista sa sakit sa kidney sa France. Pagkaraan ng mahigit 20 taon ng pagiging doktor, nakumbinsi siya na may isang Maylalang na nagmamalasakit sa atin. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang espesyalisasyon at paniniwala.

Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Mula sa Spain, lumipat ang pamilya namin sa France noong siyam na taóng gulang ako. Katoliko ang mga magulang ko, pero noong 16 anyos ako, hindi na ako naniwala sa Diyos. Hindi mahalaga sa akin ang relihiyon. Kapag may nagtatanong kung paano nagsimula ang buhay kung walang Diyos, sinasabi ko, “Hindi pa ito maipaliwanag ng mga siyentipiko sa ngayon, pero balang-araw, maipapaliwanag din nila iyon.”

Bakit mo ipinasiyang pag-aralan ang sakit sa kidney?

Nag-aral ako ng medisina sa Montpellier, France. Kinausap ako ng isang propesor doon tungkol sa pagtatrabaho sa nephrology, isang sangay ng medisina na may kinalaman sa kidney. Kasama sa trabahong iyon ang pagre-research at ang pag-aalaga sa mga pasyente. Iyon talaga ang gusto ko. Noong 1990, nakibahagi ako sa pagre-research kung paano gagamitin ang recombinant erythropoietin (EPO) para makontrol ang produksiyon ng pulang selula ng dugo sa ating buto. Nang panahong iyon, medyo bago pa ang larangang ito ng pagsasaliksik.

Bakit pumasok sa isip mo ang Diyos?

Noong 1979, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mister kong si Floréal. Pero hindi ako interesado. Bata pa ako, sawâ na ako sa relihiyon. Sa kabila nito, naging Saksi ang mister ko at ang aming mga anak, at di-nagtagal, halos lahat ng kaibigan namin ay mga Saksi. Ang isa sa kanila, si Patricia, ay nagsabing subukan kong manalangin.  “Kung walang Diyos, walang mawawala sa iyo,” ang sabi niya. “Pero kung mayroon, tingnan mo kung ano’ng mangyayari.” Pagkaraan ng ilang taon, nag-isip-isip ako tungkol sa kahulugan ng buhay, at naalaala ko ang sinabi ni Patricia. Dahil dito, nagsimula akong manalangin at humingi ng kaliwanagan.

Bakit mo naman napag-isipan ang kahulugan ng buhay?

Nang salakayin ng mga terorista ang World Trade Center sa New York, tinanong ko ang sarili ko kung bakit laganap ang kasamaan sa lipunan. Naisip ko: ‘Nanganganib ang ating kinabukasan dahil sa mga ekstremista sa relihiyon. Pero ang mga Saksi ni Jehova ay mapayapa. Hindi sila ekstremista. Sumusunod sila sa Bibliya. Siguro, dapat kong suriin kung ano’ng sinasabi nito.’ Kaya nagsimula akong magbasa ng Bibliya.

Bilang doktor, nahirapan ka bang maniwala sa Maylalang?

Hindi. Hangang-hanga ako sa mahusay na pagkakadisenyo ng ating katawan. Halimbawa, talagang nakakamangha kung paano kinokontrol ng kidney ang dami ng pulang selula sa dugo.

Bakit mo naman nasabi iyan?

Napag-isip-isip kong Diyos lamang ang puwedeng magdisenyo ng ganito kahusay na sistema

Gaya ng alam natin, ang mga pulang selula ng dugo ay naghahatid ng oxygen. Kapag nawalan tayo ng maraming dugo o pumunta sa mataas na lugar, nagkukulang ang oxygen sa ating katawan. Ang kidney natin ay may mga sensor para sa oxygen. Kapag na-detect ng mga ito na kulang ang oxygen sa dugo, ina-activate ng mga ito ang produksiyon ng EPO, at puwedeng tumaas nang hanggang sanlibong ulit ang level ng EPO sa ating dugo. Dahil sa EPO, ang bone marrow ay gagawa ng mas maraming pulang selula, na maghahatid naman ng dagdag na oxygen. Talagang kamangha-mangha! Ang nakapagtataka, pagkatapos ng sampung-taóng pag-aaral sa prosesong ito, saka ko lang napag-isip-isip na Diyos lamang ang puwedeng magdisenyo ng ganito kahusay na sistema.

Ano’ng masasabi mo sa Bibliya?

Marami na akong nabasang aklat tungkol sa kasaysayan at mga sikát na nobela, pero nakita ko agad na iba ang Bibliya. Napakapraktikal ng payo nito, kaya tiyak na nakahihigit sa tao ang pinagmulan nito. Humanga ako sa personalidad ni Jesus. Napatunayan kong totoo siya. Mayroon siyang damdamin, at nagkaroon siya ng mga kaibigan. Ayokong gamitin ang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, kaya nagre-research ako sa mga ensayklopidiya at iba pang reperensiya kapag may tanong ako.

Ano’ng nire-research mo?

Nag-research ako sa mga aklat tungkol sa kasaysayan . . . Nang dakong huli, napatunayan kong natupad sa tamang panahon ang hulang ito ng Bibliya

Ang isang bagay na nakaintriga sa akin ay kung paano inihula ng Bibliya ang taon ng bautismo ni Jesus. Eksaktong ipinakikita nito kung gaano karaming panahon ang lilipas mula sa ika-20 taon ng paghahari ni Artajerjes na tagapamahala ng Persia hanggang sa taóng iharap ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Mesiyas. * Sanay akong mag-research—parte ito ng trabaho ko. Kaya nag-research ako sa mga aklat tungkol sa kasaysayan para matiyak ang mga petsa ng pamamahala ni Artajerjes at ang mga petsa ng ministeryo ni Jesus. Nang dakong huli, napatunayan kong natupad sa tamang panahon ang hulang ito ng Bibliya at na kinasihan nga ito ng Diyos.

Dr. Fan Yu

Ang Paniniwala ng Isang Software Designer

SINIMULAN ni Dr. Fan Yu ang kaniyang propesyon bilang isang research mathematician sa China Institute of Atomic Energy, malapit sa Beijing. Ateista siya noon at naniniwala sa teoriya ng ebolusyon. Pero ngayon, naniniwala na si Dr. Yu na dinisenyo at nilalang ng Diyos ang buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala.

Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Ipinanganak ako noong 1959 sa Fuzhou City, Jiangxi Province, China. Noong walong taóng gulang ako, nararanasan na ng bansang ito ang epekto ng tinatawag ngayon na Cultural Revolution. Civil engineer si Tatay, at ipinadala siya sa isang malayong lugar para gumawa ng riles. Kaya minsan sa isang taon lang kami nadadalaw ni Tatay. Noong panahong iyon, nakatira kami ni Nanay sa isang paaralang elementarya kung saan siya nagtuturo. Noong 1970, kinailangan naming lumipat sa Liufang, isang mahirap na nayon noon sa Linchuan District, kung saan may kakulangan sa suplay ng pagkain.

Ano ang paniniwala ng pamilya mo?

Hindi interesado si Tatay sa relihiyon o politika. Budista naman si Nanay. Tinuruan ako sa paaralan na nag-evolve ang buhay dahil sa likas na mga proseso, at naniwala ako sa mga guro ko.

Bakit mo nagustuhan ang matematika?

Nagustuhan ko ang matematika kasi makikita mo ang katotohanan sa pamamagitan ng lohikal na pangangatuwiran. Pumasok ako sa unibersidad nang mamatay ang lider ng rebolusyon na si Mao Tse-tung noong 1976. Matematika ang pinili kong major subject. Nang matapos ko ang aking master’s degree, ang una kong naging trabaho ay tungkol sa mathematical research para sa disenyo ng mga nuclear reactor.

Ano ang tingin mo noon sa Bibliya?

Noong 1987, nagpunta ako sa United States para mag-doctorate sa Texas A&M University. Alam ko na maraming naniniwala sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya sa Amerika. Narinig kong maraming praktikal na karunungan sa Bibliya, kaya naisipan kong basahin ito.

 Mukha namang praktikal ang mga turo ng Bibliya. Pero hindi ko maintindihan ang ilang bahagi nito kaya inihinto ko ang pagbabasa.

Paano bumalik ang interes mo sa Bibliya?

Ang ideya na may Isa na lumalang ay bago para sa akin, kaya nag-research ako tungkol dito

Noong 1990, may dumalaw na Saksi ni Jehova sa bahay namin at ipinakita niya sa akin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-asa ng mga tao. Pinakisuyuan niya ang isang mag-asawang Saksi na turuan ako sa Bibliya. Di-nagtagal, ang asawa kong si Liping na isang ateista at nagtuturo ng physics sa isang high school sa China ay nag-aral na rin ng Bibliya. Natutuhan namin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ang ideya na may Isa na lumalang ay bago para sa akin, kaya nag-research ako tungkol dito.

Ano ang na-research mo?

Bilang mathematician, tinuruan akong kalkulahin ang probabilidad na mangyari ang isang bagay. Natutuhan ko rin na para umiral ang buhay, kailangan munang magkaroon ng mga protina. Kaya sinubukan kong kalkulahin kung gaano kalaki ang tsansang basta na lang lilitaw ang protina. Isa ang protina sa pinakamasalimuot na molekula, at ang buháy na mga selula ay may libo-libong uri ng protina na may interaksiyon sa isa’t isa. Natutuhan ko, gaya rin ng iba, na talagang imposibleng basta na lang lumitaw ang mga protina! Wala pa akong nabasang teoriya ng ebolusyon na malinaw na nakapagpaliwanag kung paano basta na lang lumitaw ang napakasalimuot na mga molekulang ito—lalo pa ang malalaking sistema kung saan bahagi lang ang mga ito. Para sa akin, ang mga ebidensiyang ito ay nagpapakita na may Isa na lumalang.

Ano ang nakakumbinsi sa iyo na nanggaling sa Diyos ang Bibliya?

Habang nag-aaral ako ng Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, natutuhan ko na natupad ang maraming detalyadong hula sa Bibliya. Nakinabang din ako nang sundin ko ang mga simulain sa Bibliya. Naisip ko, ‘Paano kaya naisulat ng mga manunulat ng Bibliya, na nabuhay libo-libong taon na ang nakalipas, ang mga karunungan na praktikal pa rin hanggang sa ngayon?’ Unti-unti, naunawaan kong ang Bibliya ay Salita ng Diyos.

Ano ang patuloy na nakakumbinsi sa iyo na maniwala sa Maylalang?

Kapag pinag-iisipan ko ang tungkol sa kalikasan, nakukumbinsi akong may Isa na lumalang. Sa ngayon, nagdidisenyo ako ng software ng computer, at manghang-mangha ako sa ating utak na di-hamak na mas mahusay sa mga computer program. Halimbawa, ang kakayahan ng ating utak na matukoy ang isang pananalita ay napakagaling. Karamihan sa atin ay nakaiintindi ng pananalita, hindi man ito kumpletong pangungusap, pati na ng pagtawa, pag-ubo, pagsasalita nang utal o may puntó. Nalalaman din natin kung may echo, ingay sa paligid, o ingay sa linya ng telepono. Baka ordinaryo lang ito para sa iyo. Pero hindi ganiyan ang tingin ng mga software designer. Kahit ang pinakamagaling na speech-recognition software ay hindi maikukumpara sa utak ng tao.

Hindi gaya ng mga computer, ang utak ng tao ay nakakaintindi ng mga emosyon, nakakatukoy ng puntó, at nakakakilala ng nagsasalita dahil sa boses nito. Pinag-aaralan ng mga software designer kung paano gagayahin ang kakayahan ng utak na matukoy ang mga pananalita. Kumbinsido ako na sa paggawa nila nito, ang mga gawa ng Diyos ang talagang pinag-aaralan nila.

Si Wenlong He habang nagtatrabaho

Ang Paniniwala ng Isang Experimental Physicist

SI Wenlong He ay unang nag-aral ng physics sa Suzhou, Jiangsu Province, China. Tumutulong siya sa pag-e-edit ng isang internasyonal na babasahin sa teknolohiya at marami na siyang akdang nailathala sa mga babasahin sa siyensiya. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Wenlong He sa University of Strathclyde sa Scotland. Naniniwala siya sa ebolusyon noong kabataan niya, pero nang maglaon, nakumbinsi siyang may lumalang sa buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala.

Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Wenlong He

Ipinanganak ako noong 1963 at lumaki sa China, sa isang nayon sa timog ng Yangtze River sa Jiangsu Province. Isa itong subtropikal na lugar na kilalá sa produksiyon ng pagkain, kung kaya madalas itong tawaging lupain ng bigas at isda. Noong bata pa ako, naiisip ko: ‘Bakit kaya maraming masasarap na pagkaing nakukuha sa kalikasan? Nagkataon lang ba ang mga ito? Alin ang nauna—manok o itlog?’ Laganap sa China ang ateismo, kung kaya ebolusyon ang itinuturo sa amin sa paaralan.

Kumusta naman ang pamilya ninyo?

Ateista ang mga magulang ko. Nagtatrabaho sa bukid ang nanay ko; ang tatay ko naman ay isang arkitekto at may sariling construction company. Lima kaming magkakapatid na lalaki at ako ang panganay. Pero dalawang kapatid ko ang maagang namatay. Labis ko itong ikinalungkot. Naisip ko: ‘Bakit namamatay ang mga tao? Makikita ko pa kaya uli ang mga kapatid ko?’

Bakit ka nag-aral ng siyensiya?

Naintriga kasi ako sa kalikasan at naisip kong baka masagot ng physics ang mga tanong ko mula pa noong bata ako.

Tungkol saan ang nire-research mo?

Naghahanap ako ng paraan kung paano mapapabilis ang mga charged particle na halos kasimbilis ng bilis ng liwanag. Ginagawa  ko ito para mapag-aralan ang istraktura ng mga atomo. Sinusuri ko rin kung paano makakagawa ng high-power radiation na ang frequency ay nasa pagitan ng frequency ng microwave radiation at infrared radiation. Bagaman ang research ko ay pangkomersiyo, maiuugnay rin ito sa pagsisikap na maintindihan kung paano nagsimula ang uniberso.

Bakit ka naging interesado sa Bibliya?

Noong 1998, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay namin. Gusto nilang ipakita sa akin ang sagot ng Bibliya sa mga tanong ko. Sumali sa usapan namin ang asawa kong si Huabi, na isa ring research scientist. Noon lang kami nakakita ng Bibliya, pero hangang-hanga kami sa praktikal na payo nito. Nakita namin kung paano nakikinabang ang mag-asawang Saksing ito sa pagsunod nila sa mga simulain ng Bibliya. Masaya sila at hindi komplikado ang buhay nila. Dahil sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos, napaisip ulit ako kung may lumalang nga ba sa uniberso. Bilang isang physicist, trabaho kong maintindihan ang kalikasan. Kaya pinag-isipan kong mabuti ang ilang katotohanan.

Bilang isang physicist, trabaho kong maintindihan ang kalikasan. Kaya pinag-isipan kong mabuti ang ilang katotohanan

Anong mga katotohanan iyon?

Una, alam kong ang isang grupo ng mga bagay ay hindi puwedeng maging napakaorganisado o manatiling organisado malibang may gumawa nito. Iyan ang tinatawag na second law of thermodynamics. Yamang napakaayos ng uniberso at ng buhay sa lupa, nakumbinsi akong may gumawa sa mga ito—isang Maylalang. Ang ikalawang katotohanan ay na parang dinisenyo talaga ang uniberso at ang lupa para sumustine sa buhay.

Anong halimbawa ng matalinong disenyo ang nakita mo?

Halos lahat ng nabubuhay na bagay sa lupa ay nakadepende sa enerhiya mula sa araw. Ang enerhiyang ito ay naglalakbay sa kalawakan bilang radiation. Nakakarating ito sa lupa sa iba’t ibang wavelength. Ang pinakamaikli ay ang nakakamatay na mga gamma ray. Sumunod naman ang mga X-ray, ultraviolet ray, nakikitang liwanag, infrared, microwave, at ang pinakamahaba sa lahat, ang mga radio wave. Kapansin-pansin, hinaharang ng ating atmospera ang nakapipinsalang radiation samantalang pinahihintulutang makarating sa ibabaw ng lupa ang ibang kinakailangang radiation.

Ano naman ang kahanga-hanga doon?

Pinag-isip ako ng ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at sa pagbanggit nito sa liwanag. Sinasabi nito: “Ang Diyos ay nagpasimulang magsabi: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Sa gayon ay nagkaroon ng liwanag.” * Kakaunti lang sa iba’t ibang solar radiation ang nakikitang liwanag, pero mahalaga sa buhay ang liwanag. Kailangan ito ng mga halaman para makagawa ng pagkain, at kailangan natin ng liwanag para makakita. Hindi maaaring nagkataon lang ang pagtagos ng liwanag sa atmospera. At ang lalong kapansin-pansin ay ang kaunting ultraviolet na liwanag na nakakarating sa ibabaw ng lupa.

Bakit iyon mahalaga?

Kailangan natin ng kaunting ultraviolet radiation para ang ating balat ay makapag-produce ng vitamin D, na pampalusog ng ating mga buto at panlaban sa kanser at iba pang sakit. Pero kapag sumobra, nagiging sanhi ito ng kanser sa balat at katarata sa mata. Sa normal na kalagayan, kaunting ultraviolet radiation lang ang pinahihintulutan ng atmospera na makarating sa ibabaw ng lupa—at iyan lang ang tamang dami. Para sa akin, katibayan iyan na talagang may nagdisenyo sa lupa para sumustine sa buhay.

Kami ni Huabi ay unti-unting nakumbinsi na mayroon ngang Maylalang at na kinasihan niya ang Bibliya. Noong 2005, naging mga Saksi ni Jehova kami, kaya nagtuturo na rin kami ng Bibliya sa iba.

Si Frédéric Dumoulin habang nagtatrabaho

‘Kumbinsido Ako na Mayroon Ngang Maylalang’

Sa loob ng mahigit isang dekada, si Frédéric Dumoulin ay nagtrabaho sa larangan ng pharmaceutical research sa Ghent University sa Belgium. May panahong naging ateista siya. Pero nang maglaon, nakumbinsi si Frédéric na may Diyos na lumalang sa buhay. Ininterbyu ng Gumising! si Frédéric—na isa na ngayong Saksi ni Jehova—tungkol sa kaniyang trabaho at paniniwala.

Nagkaroon ba ng bahagi sa buhay mo ang relihiyon noong bata ka pa?

Oo. Romano Katoliko ang nanay ko. Pero nang mabasa ko ang tungkol sa Krusada at Inkisisyon, galít na galít ako sa relihiyon at ayoko nang magkaroon ng kaugnayan dito. Nagbasa rin ako tungkol sa mga relihiyong di-Kristiyano, at nakita kong wala ring ipinagkaiba ang mga ito. Noong 14 anyos ako, nasabi kong wala talagang Diyos dahil laganap ang katiwalian sa relihiyon. Kaya nang ituro sa amin sa paaralan ang teoriya ng ebolusyon, napaniwala ako na talagang basta na lang lumitaw ang buhay.

Paano ka nagkainteres sa siyensiya?

Noong pitong taon ako, may nagbigay sa akin ng microscope at naging paborito kong laruan iyon. Ginamit ko iyon para suriin ang ilang bagay, gaya ng magagandang insekto na tulad ng paruparo.

Paano ka nagkainteres sa pinagmulan ng buhay?

Noong 22 anyos ako, may nakilala akong siyentipiko na Saksi ni Jehova. Naniniwala siyang nilalang ng Diyos ang buhay. Kakaiba ‘yon sa akin. Akala ko, mapapatunayan ko sa kaniya na katawa-tawa ang paniniwala niya. Pero nagulat ako sa magaganda niyang sagot sa mga tanong ko. Kaya naging curious ako sa mga taong naniniwala sa Diyos.

Pagkaraan ng ilang buwan, may nakilala akong isa pang Saksi na may kaalaman sa medisina. Nang sabihin niyang ipapaliwanag niya ang kaniyang paniniwala, pumayag ako dahil gusto kong malaman kung bakit naniniwala ang mga tao sa Diyos. Gusto ko siyang iligtas sa kaniyang kabaliwan.

Nakumbinsi mo bang mali siya?

Hindi. Kaya nagsimula akong mag-research tungkol sa pinagmulan  ng buhay. Nagulat ako dahil natuklasan kong may mga kilaláng siyentipiko na nagsasabing kahit ang pinakasimpleng nabubuhay na selula ay masyadong masalimuot, anupat hindi iyon maaaring magmula sa lupang ito. Iniisip ng ilan sa kanila na ang mga selulang iyon ay galing sa ibang planeta. Napakaraming nagkakasalungatang opinyon tungkol sa kung paano nagsimula ang buhay.

Mayroon bang isang bagay na sang-ayon silang lahat?

Nakapagtataka, maraming siyentipiko ang sang-ayon na sa paanuman, ang buhay ay kusang lumitaw mula sa walang-buhay na materya. Napag-isip-isip ko, ‘Paano sila nakatitiyak na ganoon nga ang nangyari gayong hindi nga nila alam kung paano umiral ang buhay nang walang Maylalang?’ Sinimulan kong suriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pinagmulan ng buhay.

Ano ang naging konklusyon mo tungkol sa Bibliya?

Habang dumarami ang natututuhan ko mula sa Bibliya, lalo akong nakukumbinsing totoo ito. Halimbawa, kamakailan lang nakakita ang mga siyentipiko ng katibayan na may pasimula ang uniberso. Pero ang unang talata sa Bibliya, na isinulat mga 3,500 taon na ang nakararaan, ay nagsasabi: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” * At nakita kong kapag may sinasabi ang Bibliya tungkol sa siyensiya, tumpak ito.

Nakita kong kapag may sinasabi ang Bibliya tungkol sa siyensiya, tumpak ito

Nahirapan ka bang maniwala sa Diyos dahil sa kaalaman mo sa siyensiya?

Hindi naman. Nang una akong maniwala sa Diyos, tatlong taon na akong nag-aaral ng siyensiya sa unibersidad. At sa ngayon, habang pinag-aaralan ko ang disenyo ng nabubuhay na mga bagay, mas nakukumbinsi ako na mayroon ngang Maylalang.

Puwede ka bang magbigay ng halimbawa?

Puwede. Pinag-aralan ko ang epekto ng mga gamot at mga toxin sa mga nabubuhay na nilalang. Ang isang disenyo na hinahangaan ko ay kung paano napoprotektahan ang utak natin mula sa mapanganib na mga substansiya at baktirya. May barrier, o harang, sa pagitan ng ating dugo at ng mga selula ng ating utak.

Ano naman ang kahanga-hanga doon?

Mahigit sandaang taon na ang nakalilipas, napansin ng mga mananaliksik na ang mga substansiyang pumapasok sa ating dugo ay nakararating sa bawat bahagi ng katawan—maliban sa utak at gulugod. Takang-taka ako diyan, kasi alam kong napakaraming pagkaliliit na ugat na nagdadala ng dugo sa bawat selula sa utak. Dahil sa dugo, ang lahat ng selula sa utak ay nalilinis, natutustusan, at nasusuplayan ng oksiheno. Kaya paano napananatiling magkahiwalay ang ating dugo at ang mga selula ng ating utak? Naging palaisipan ito sa loob ng maraming taon.

Paano gumagana ang barrier na ito?

Ang pagkaliliit na mga blood vessel ay di-tulad ng mga plastic tube na hindi natatagos. Ang pinakadingding ng mga blood vessel ay binubuo ng mga selula. Hinahayaan ng mga selulang ito na makadaan sa kanila at sa pagitan nila ang mga substansiya at mikrobyo. Pero iba ang mga selulang bumubuo sa mga blood vessel ng utak natin. Napakasinsin ng mga ito. Kahanga-hanga ang mga selulang ito at ang mga dugtungan sa pagitan ng mga ito. Tinitiyak ng napakaraming iba’t ibang masasalimuot na mekanismo na ang ilang bagay—gaya ng oksiheno, carbon dioxide, at glucose—ay makadaan sa pagitan ng dugo at ng utak sa kontroladong paraan. Pero ang ibang compound, protina, at selula ay hindi nakakapasok. Kaya ang blood-brain barrier na ito ay gumagana sa antas ng molekula para magsilbing pisikal, kemikal, at elektrikal na mga harang. Para sa akin, ang ganitong disenyo ay imposibleng dahil sa ebolusyon.

Si Dr. Hans Kristian Kotlar habang nagtatrabaho

Ang Paniniwala ng Isang Biotechnologist

Noong 1978, ang unang trabaho ni Dr. Hans Kristian Kotlar sa scientific research ay sa Norwegian Radium Hospital, kung saan pinag-aralan niya ang tungkol sa kanser at sa immune system ng tao. Nang panahong iyon, naging interesado rin siya sa pinagmulan ng buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang mga research at pananampalataya.

Paano ka naging interesado sa pinagmulan at kahulugan ng buhay?

Katoliko ang tatay ko at Protestante naman ang nanay ko. Ibig sabihin, hindi mahalaga sa kanila ang relihiyon. Noong kabataan ko, pinag-isipan ko ang kahulugan ng buhay, at nagbasa ako ng mga aklat tungkol sa Budismo, Hinduismo, at Islam. Hiniling ko pa nga sa Diyos na isiwalat niya sa akin ang katotohanan.

Pagsapit ng dekada ’70, malaki ang isinulong ng molecular biology, at naisip kong baka maisiwalat nito kung paano nagsimula ang buhay. Interesado ako sa mga mekanismong nasa loob ng mga selulang buháy, kaya pinag-aralan ko ang biotechnology. Siyanga pala, ayon sa karamihan ng propesor ko, ang buhay ay nag-evolve dahil sa likas na mga proseso, at naniwala naman ako sa kanila.

Bakit ka naging interesado sa Bibliya?

Dalawang Saksi ni Jehova ang pumunta sa bahay namin. Mababait naman sila, pero naging magaspang ako at sinabi kong hindi ako interesado. Narinig ito ng misis ko. “Hindi maganda ’yon, Hans Kristian,” ang sabi niya. “Ikaw nga itong interesadong malaman ang kahulugan ng buhay.” Tama siya, at napahiya ako. Kaya hinabol ko ang mga Saksi. Sa pag-uusap namin, sinabi ko sa kanila na gusto kong malaman kung ang Bibliya ay kaayon ng siyensiya.

Ano’ng sabi nila?

Ipinakita nila sa akin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Pinagmulan ng enerhiyang nasa uniberso. Ganito ang sabi ng tekstong binasa nila: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? . . . Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.” * Naintriga ako sa mga salitang iyan. At parang makatuwiran nga na isang matalinong Pinagmulan ng enerhiya  ang tanging nasa likod ng kaayusan sa uniberso.

Nagbago ba ang pangmalas mo sa ebolusyon?

Unti-unti kong nakita na walang matibay na patotoo ang siyensiya pagdating sa iba’t ibang teoriya ng ebolusyon. Sa katunayan, ang mga ito ay mga kuwentong inimbento para palitawing basta na lang umiral ang kamangha-manghang disenyong nasa nabubuhay na mga bagay, gaya ng immune system. Habang pinag-aaralan ko ang immune system, lalo kong nakikita kung gaano ito kasalimuot at kahusay. Kaya naman, dahil sa mga research ko, napatunayan kong ang buhay ay produkto ng isang matalinong Maylalang.

Dahil sa mga research ko, napatunayan kong ang buhay ay produkto ng isang matalinong Maylalang

May maibibigay ka bang halimbawa ng matalinong disenyo?

Ang immune system mismo ay isang kahanga-hangang grupo ng mga kayarian at mekanismong dinisenyo para protektahan ang katawan natin mula sa iba’t ibang kalaban, kasali na ang mga baktirya at virus. Ang mga mekanismo naman ay maaaring hatiin sa dalawang magkaugnay na sistema. Ang una ay umaatake sa mga mikrobyo ilang oras lang matapos sumalakay ang mga ito. Ang ikalawa naman ay pagkaraan pa ng ilang araw, pero gaya ng nakaasintang panà, tinatarget nito ang mga kalaban. Matandain din ang ikalawang sistemang ito. Kaya kapag bumalik ang isang partikular na kalaban pagkaraan ng mga taon, agad nitong aatakihin iyon. Napakahusay ng buong sistema kung kaya hindi mo man lang mahahalata na nahawahan ka na pala at naprotektahan. Ang husay rin ng immune system dahil alam nito kung alin ang mga napahalong substansiya at kung alin naman ang daan-daang uri ng selula na bumubuo sa ating katawan.

Ano ang nangyayari kapag nakapasok sa katawan ang mga mikrobyo?

Ang mga mikrobyo ay nakakapasok sa ating katawan kapag tayo’y humihinga, kumakain, o sa pamamagitan ng ating urogenital tract at mga sugat. Kapag na-detect ng immune system ang mga kalaban, sinisimulan nito ang sunud-sunod na reaksiyon ng napakaraming protinang metikuloso ang pagkakadisenyo. Ina-activate ng bawat bahagi ng reaksiyong ito ang kasunod na bahagi para patindihin ang pag-atake sa kalaban. Talagang kamangha-mangha!

Kung gayon, masasabi bang tumibay ang pananampalataya mo sa Diyos dahil sa kaalaman mo sa siyensiya?

Oo! Ang kakayahan at husay ng ating immune system ay nagpapakitang mayroon ngang matalino at maibiging Maylalang. Masasabi ko ring pinatibay ng siyensiya ang pananampalataya ko sa Bibliya. Halimbawa, sinasabi sa Kawikaan 17:22 na “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” Natuklasan ng mga mananaliksik na ang kalagayan ng ating isip ay may malaking epekto sa ating immune system. Halimbawa, ang stress ay nakapagpapahina ng ating resistensiya.

Karamihan sa mga kakilala mo ay hindi naniniwala sa Diyos. Bakit kaya?

Iba’t iba ang dahilan. Ang ilan, gaya ko, ay basta na lang naniniwala sa itinuro sa kanila. Baka iniisip nila na ang ebolusyon ay suportado ng siyensiya. Ang iba naman ay di-gaanong interesado kung paano nagsimula ang buhay. Nakakalungkot iyon. Para sa akin, dapat sana’y nagtatanung-tanong sila.

Bakit ka naging Saksi ni Jehova?

Naakit kasi ako sa kanilang pagkamapagpatuloy at sa pananampalataya nila sa magandang bukas na ipinangako ng Maylalang. * At ang pananampalatayang iyan ay salig sa mga research at mahuhusay na pangangatuwiran, hindi sa mga alamat o espekulasyon. *NaunaSusunod

Kaugnay na mga Paksa

Komento sa Pinagmulan ng BuhayAng Siyensiya at ang BibliyaI-printI-share

OPSYON SA PAGDA-DOWNLOAD

Opsyon sa pagda-download ng elektronikong publikasyon

Opsyon sa pagda-download ng audio recording

I-share

PodcastNauna

MGA NILALAMAN

Susunod

IBA PANG MABABASA ONLINE

Kaugnay na mga Artikulo

Professor Rajesh Kalaria

Ang Paniniwala ng Isang Brain Pathologist

Dr. Fan Yu

Ang Paniniwala ng Isang Software Designer

Si Yan-Der Hsuuw na tumitingin sa mikroskopyo

Ang Paniniwala ng Isang Embryologist

Si Dr. Gene Hwang

Ang Paniniwala ng Isang 

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.